Tuesday, February 25, 2014


 ANG PAMILYANG PILIPINO
Noon at ngayon
Malayo na ang narating ng tao sa lahat ng larangan at aspekto. Ang teknolohiya, siyensiya, moda, pelikula, medisina at iba pa ay malayong-malayo na kumpara sa ngayon. Ganundin ang pananampalataya, kaugalian, paniniwala, kasabihan at iba pang lumang nakagawian nang mga tao ay iba na rin sa kasalukuyan. Kung hindi man ito tuluyang nabago ng modernong panahon karamihan naman ay lubusang nag-iba siguro’y nakatakda talaga ito dahil ang tao noon at ngayon ay malaki ang pagkakaiba.
Ano-ano ito?
Halika, liripin natin ang ilang pagkakaiba at pagbabago ng noon at ngayon. Mula sa may kababawan hanggang sa may kalaliman.
Noon. Hindi lahat ng babae ay maganda.
Ngayon. Hindi lahat ng maganda ay babae.
Noon. Ang “virginity” sa kababaihan ay isang malaking isyu.
Ngayon. Pangkaraniwan na lamang sa magkasintahan ang premarital sex.
Noon. Karamihan sa kababaihan ay tipong “Maria Clara”.
Ngayon. Karamihan sa kababaihan ay liberated na.
Noon. Ang tattoo sa katawan ay iniuugnay lamang sa mga preso at ex-convict.
Ngayon. Ang tattoo kahit anong itsura ay itinuturing na form of art.
Noon. Mahigpit na ipinagbabawal ang mga naka-shorts at nakatsinelas sa mga establisimiyento.
Ngayon. Cool nang maituturing kung ikaw’y naka-shorts ng ubod ng igsi at nakatsinelas lamang kahit saan ka man magtungo.
Noon. (Halos)Libre ang inuming tubig at ligtas kahit galing sa gripo.
Ngayon. Debote na ang tubig at mineral ang tawag kahit hindi naman.
Noon. Ang pagmamano, pag-gamit ng po at opo ay pangkaraniwan lang sa kabataan.
Ngayon. Ang pagmamano, pagsasabi ng po at opo ay bihira na lang at tila ‘di komportable ang kabataan sa pag-gamit nito .
Noon. Kuntento at nakangiti na ang masang Pinoy sa matamis na kamote at kapeng barako.
Ngayon. French Fries at kape sa Starbucks ang paborito nang naghihirap daw na Pinoy.
Noon. Ang singko, mamera lalo’t ang piso ay malaki ang halaga at marami ang mabibili.
Ngayon. Halos wala ng halaga ang sampung pisong nasa bulsa mo.
Noon. Tuwing Huwebes ay may mga bagong pinapalabas na pelikulang Pilipino.
Ngayon. Tuwing ikalawang buwan na lang halos magpalabas ng pelikulang Pinoy.
Noon. May sense ang karamihan sa mga mga programa sa telebisyon, kanta at pelikula.
Ngayon. Kahit walang kwentang kanta ay bumebenta, kahit paulit-ulit na teleserye ay mataas ang rating at kahit na walang kwenta ang istorya ay pwede ng pelikula.
Noon. Malaki ang respeto ng mga anak sa kanilang mga magulang na isang sutsot pa lang ay agad na tumatalima ang anak.
Ngayon. Halos wala ng galang ang mga anak sa magulang. Kahit lawit na ang dila ng magulang sa kakasaway ay hindi pa rin sumusunod ang anak.
Noon. Halos isang tao lang ang kinasusulakman at kinaiinisan ng mga Pinoy sa pulitika.
Ngayon. Halos lahat ng pulitiko ay kinaiiritahan at kinaiinisan ng mga Pinoy.
Noon. Malaki ang pag-galang ng mga tao sa mga Pulis at Militar.
Ngayon. Itinuturing na ng maraming Pinoy na notoryus ang Pulis at militar at tipong ‘di ka ligtas sa kanila dahil sa iba’t-ibang kontrobersiyang kanilang kinasasangkutan.
Noon. Isang sagrado at pinahahalagahan ng husto ang privacy ng mga tao.
Ngayon. Halos lahat na ng mga tao ay isinisigaw at isinahihimpapawid pa ang bawat kilos, galaw at lugar na pupuntahan sa pamamagitan ng facebook, twitter, blog at online journal.
Noon. Itinuturing na luho ang pagkain ng mansanas at iba pang angkat na prutas dahil sa kamahalan ng halaga nito.
Ngayon. Bagamat hindi na luho at mahal ang halaga ng mansanas marami pa rin naman ang hindi makakain nito dahil sa kawalan ng pera.
Noon. Library, Recto at hard to find encyclopaedia ang sources ng research at term papers.
Ngayon. Google, Wikipedia at iba pang search engine sa Internet ang katapat ng anumang impormasyon kailangan mong malaman.
Noon. Napakamahal at aabuting ng mahabang panahon bago ka magka-telepono. Simbolo rin ito noon ng karangyaan.
Ngayon. Minuto lang ang iyong kailangan para ikaw’y magkatelepono at ito ay sa murang halaga.
Noon. Pilit na ikinukubli nang kalalakihan ang kanilang pagkabading.
Ngayon. As early as 10 years old ay lantarang ipinapakita na ang kabadingan.
Noon. Proud ang bawat Pilipino sa likas at taglay na kulay kayumanggi.
Ngayon. Marami sa mga Pilipino ay nais pumuti kaya malakas ang benta ng Glutathione kahit ito’y mahal.
Noon. Halos bawat kanto ay may pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.
Ngayon. Halos wala ka nang nakikita o naririnig na pabasa o pasyon sa panahon ng Semana Santa.
Noon. Napakahalaga ng buhay at isusugal at isasakripisyon ng ina ang mismong sarili niyang buhay para lamang sa anak.
Ngayon. Walang pakundangan at walang respeto sa buhay ang marami sanang ina dahil ayon sa pag-aaral higit sa kalahating milyong sanggol ang intensyonal na pinalalaglag taon-taon.
Noon. Ang anumang uri ng panlalait sa kapwa ay itinuturing na masamang gawain.
Ngayon. Ang panlalait ay isa na lang pangkaraniwang ugali ng marami at marami-rami na rin na pinagkakakitaan ang gawaing ito.
Noon. Banal at Sagrado ang pag-gunita ng mga Pilipino sa Semana Santa. Walang radyo, walang telebisyon at walang maingay.
Ngayon. Marami ang sinasamantala ang panahong ito para magliwaliw at magbakasyon sa iba’t-ibang beaches at pool, may mga bukas na bar, sinehan at iba pa maging sa araw ng Biyernes Santo lalo na ang Sabado de Gloria.
Noon. Hinahangaan tayo ng bansang South Korea dahil sa ganda ng ating ekonomiya.
Ngayon. Pilipinas na ang humahanga sa bansang South Korea sa ganda ng kanilang ekonomiya.
Noon. Muntik ng maging mayaman ang bansang Pilipinas.
Ngayon. Ang Pilipinas ay kabilang na sa pinakamahihirap na bansa sa mundo.
Hindi na nga maikakaila na napakalaki na nang pagbabago’t pagkakaiba ng noon at ngayon. At sa darating pang mga panahon ay marami pa ang magaganap na pagbabago. Kung kailangan nating sumabay sa pagbabago at agos ng panahon ay hindi ko alam dahil maraming pagbabago ang hindi angkop sa nais nating mangyari datapwat tutol man tayo dito ay wala tayong magawa. Madalas kung ano pa ang ayaw mong magbago ‘yun pa ang may malaking pagbabago. Sabi nga eh, walang permanenteng bagay dito sa mundo kundi ang pagbabago (bukod siyempre sa buwis).
Paano nagkakatulad ang pamilyang Pilipino noon at ngayon?

Wala ng magkasing-tulad ang pamilyang pilipino noon at ngayon kung meron man ay yung tradisyonal na pag-uugali tulad ng mapagbigay, mapagkumbaba, etc... ang pilipino ngayon ay makabago na ehemplo ito ng ating mga dayuhan na madaling ma-adap ng ating lipunan.
Malaki ang naging kaibahan ng pamilya ngayon at noon? Unahin ko ang noon, noon ang pamilya, sabay sabay silang kakain, pupunta ng simbahan at papasyal silang buong mag-anak. Ngayon, kanya-kanya na ang lakad, si nanay dala ang bunso, si ate nasa skul, si kuya, naglalakwatsa, si tatay nasa sabungan, wala na oras magsimba ang buong mag-anak.
ANG PAMILYANG PILIPINO
Una sa lahat, ang isang Pilipino ay bahagi ng kanyang pamilya.  Kahit siya ay doktor, manunulat, siyentipiko, o ano pa man, nananatili siyang ama o anak, pamangkin o apo, sa loob ng kanyang pamilya.  Dito ay iba ang kanyang katungkulan at ang pagkakakilala sa kanya.  Sa lahat ng oras ay pangunahin sa kanya ang kanyang tungkulin bilang kasapi ng isang pamilya.
Ang pinakaubod ng pamilyang Pilipino ay ang ama, ina at mga anak. Ang ama ang pinakapuno ng pamilya.  Siya ang nasusunod wpe33.jpg (58624 bytes)at nagpapasya para sa pamilya.  Sa kabilang dako ay tungkulin niyang pakainin, bigyan ng matitirhan at papag-aralin ang mga miyembro ng kanyang pamilya.  Kaya siya ang nagtatrabaho at kumikita ng pera.   Ang ina naman ang bahala sa bahay at sa pag-aalaga ng mga bata.   Siya ang humahawak ng pera ng pamilya at pinagkakasya ito sa pangangailangan ng pamilya.  Ang mga anak naman ay may responsibilidad rin.  Sagutin nila ang mahusay na pag-aaral at ang pagtulong sa bahay.
Kasama rin sa pag-aalala ng pamilya ang lolo at lola, ang mga kapatid ng ama at ina, lalo na't ang mga ito'y nakababata.  Kadalasa'y sama-sama sa isang bahay ang lolo at lola, ang ama at ina, at ang mga anak.  Kung minsa'y kapisan din ang wala pang asawang kapatid ng ama o ina.  Kapag ganitong kumpleto ang pamilya'y tatlong salin-lahi ang nakatira sa iisang bahay.   Tulung-tulong sila sa mga gawain at sa paghahanap-buhay.
Masinsin ding inaalala ng pamilya ang bawat kaarawan at anibersaryo.  Sa mga okasyong ito ay may mga salu-salo't pagtitipon.  Ang may kaarawan o may anibersaryo ay binibigyan ng regalo.  Nagbabalitaan ang pamilya at ikinukuwento ang buhay-buhay ng isa't-isa.  Gayun din ang buhay-buhay ng iba pang kamag-anak.  Sa ganitong paraan, alam ng lahat ang halos lahat nang nangyayari sa iba pang pinsan o pamangkin.  Masasabing tsismis ang ganitong pagbabalitaan subali't may mabuti itong aspeto.  Kung may nangangailangan ng tulong ay nalalaman kaagad ng pamilya.
Ang pagtulong ay isang malaking bahagi ng samahan ng magkakamag-anak.  Sa pananaw na ito, hindi maaring umangat nang nag-iisa ang isang tao.  Kailangan niya ang tulong ng kaniyang pamilya --sapagkat lubhang mahirap ang buhay sa mundo.  Sa kabilang dako, ang taong may pag-aaruga sa kanyang pamilya ay kinakasiyahan ng kapalaran.  Ganito halos ang nangyayari lalo na sa mga pamilya ng dukha.  Nagtutulong-tulong ang mga nakababatang anak, ang ama at ina, upang mapaaral ang pinakamatanda.  Pag nakatapos na ito, tungkulin naman niyang paaralin ang kanyang mga kapatid.  Kung mag-aasawa man siya ay inaasahan na tutulong din ang mapapangasawa niya.
May mabuti at masamang aspeto ang ganitong tradisyon sa Pilipinas.  Kung minsan ay nagsasamantala ang ibang kamag-anak.  Sapagkat lagi silang may matatakbuhan ay hindi sila natututong maging responsable sa kanilang buhay.   Pangalawa'y nahihirapan ang isang Pilipino na makaabot sa kanyang mga layunin sa buhay.  Mangyari'y dala-dala niya ang problema ng kanyang buong pamilya.
Sa kabilang dako, ang pagtutulungang ito marahil ang pinakamatibay na sandata laban sa trahedya.  Ang mga naulilang mga bata ay may maaasahan.  At kahit na mahirap ang isang pamilya'y nakararaos din kahit paano.   Ang pamilya rin ang nagtataguyod ng mahuhusay na pagpapahalagang sosyal.   Itinataguyod nito ang pagiging responsable, ang pagtutulungan, ang pagkakaisa at pagtatangi sa isa't-isa.  Matibay din itong sanggalang laban sa tinatawag na "alienation" at iba pang karamdaman ng isip at damdamin.


Pagbubuo ng isang Malakas na Pamilya Mula sa
Family Resource Kit ng UH-Manoa Center on the Family
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo
  
            Ano ang kahulugan ng pamilya para sa inyo?  May ilang taong naniniwalang ang isang pamilya’y tulad ng isang magandang kahong puno ng mga bagay na gusto nila: pagmamahal,katuwaan, pagkakaroon ng kasama (companionship) at iba pang magagandang bagay; isang kahong mabubuksan kailanma’t nais nila ng mga bagay na ito. Marahil, mas nakakatulad ng isang walang lamang kahon ang pamilya.  Nagiging maganda at makabuluhan ito batay sa kung ano ang ginagawa rito ng mga tao.  Kailangang sidlan muna ito ng laman ng mga tao bago may makuhang anuman mula rito. Kung nais natin ng pagmamahal at katuwaan sa ating mga pamilya, kailangang magtanim muna tayo ng pagmamahal, paglilingkod at paghikayat sa isa’t isa. Ang mga ito ang nagpapatigib sa kahon. Ang paglalabas ng higit sa isinilid natin ay magpapabasyo sa kahon sa malao’t madali.
              Matatagpuan sa buong mundo ang maraming matatag na pamilya.  Maaaring mayaman o mahirap sila.  Maaaring iba-iba rin ang pagkakabuo nila, halimbawa:  
·         isang ina, ama, at mga anak, o
·         isang ina na may isa o higit pang anak, o
·         mga lolo’t lolang kasama ng kanilang mga anak at apo, o
·         mag-asawang walang anak.  
            Matatatag na pamilya ang pundasyon ng lahat ng dakilang bansa.  Tumutulong silanghumubog ng mga taong nagiging katulad natin.  Kung kailangan nating lumaking malulusog at maliligaya ang mga anak natin, mahalagang magkaroon tayo ng matatatag na pamilya.
Anim ang Katangiang Kailangan sa Pagbubuo ng Matatag na Pamilya  
            Para mapuno ang “kahon”, kailangang magkaroon ng sumusunod na katangian ang isang pamilya:  
·         may pananagutan (komitment) sila sa isa’t isa;
·         nagpapakita ng pagpapahalaga;
·         may mabuting komunikasyon;
·         may panahong nagkakasama-sama sila;
·         sumusunod sa kanilang mga paniniwalang ispiritwal at umaayon sa kanilang mga pagpapahalaga;
·         nakakaagapay sa stress.
Pananagutan/Komitment  
            Makatutulong tayong lalong mapatatag ang pamilya sa pagkakaroon ng pananagutan sa isa’t isa,  sa pagiging tapat, sa pagsasama-sama bilang isang pangkat, at sa pag-aalaga sa isa’t isa. Maraming paraan para maipakita ang pananagutan at mapanatiling ligtas, malusog at maligaya ang pamilya.  Narito ang ilan:  
·         Maging tapat sa inyong pamilya.  Bawasan ang mga aktibidad sa labas at gumugol ng mas maraming oras sa piling nila.
·         Tuparin ang mga pangako sa ibang miyembro ng pamilya.
·         Sa puntong sekswal, maging tapat sa kapareha.
·         Maging maaasahan Tumawag sa bahay kung mahuhuli ka ng uwi.
·         Tumawag at magsabing “mahal kita” kung naglakbay ka sa malayo.
·         Bumuo ng mga alaalang pampamilya.  Magtago ng family album na may mga retrato at kuwento.
·         Kapag may problema, tumawag kaninuman, sa isang kamag-anak, kaibigan o isang tagapangalaga ng kalusugan*, para matulungan kayong harapin ito.
·         Ano pa ang ibang paraan para maipakita ninyo ang pananagutan?

Pagpapahalaga  
            Kapag ipinakikita natin ang pagpapahalaga sa pamamagitan ng mga salita at gawa, naipakikita natin sa ating pamilyang pinahahalagahan at itinatangi natin sila.  Maiging isipin kung gaano natin pinahahalagahan ang iba.  Ngunit, hindi nila malalaman ang nararamdaman natin hangga’t hindi natin sinasabi.  Maraming pamilya ang may espesyal na pagtitipon kung Araw ng mga Ina o Araw ng mga Ama upang maipadama ang pagpapahalaga sa magulang.  Maraming kultura ang nagdiriwang ng mga tanging araw para parangalan ang mga bata.  Narito ang ilang ideya tungkol sa ibang paraan ng pagpapakita ng pagpapahalaga:

·         Sabihin sa isang miyembro ng pamilya na siya ’y mahal ninyo.
·         Magsabi ng anumang positibo sa bawat miyembro ng pamilya araw-araw. 
·         Sorpresahin ang isang miyembro ng pamilya   (halimbawa, isang ginawang kard) kahit na walang okasyon.
·         Dalasan ang pagyakap sa mga miyembro ng pamilya.
·         Hanapin ang mabuti sa bawat miyembro ng pamilya.   Sabihin ito sa kanila.
·         Tulungan ang isang miyembro ng pamilya sa kanyang gawain ( pagliligpit, paglalaba, paghuhugas ng pinggan, atbp.)
·         Maglista ng 5 bagay na gusto ninyo sa isang miyembro ng pamilya.   Ibigay ang listahan sa miyembrong iyon bilang isang regalo. 
Pag-agapay
           Dumaraan sa panahong nagkakaproblema ang pamilya.  Magagamit nila ang problema para maging lalong matatag at malapit sa isa’t isa.  Kung medyo babaguhin natin ang ating pag-iisip, makikita nating ang krisis ay isang oportunidad para maging matatag.  Narito ang ilang bagay na maaaring subuking kung dumating ang problema.  
·         Mag-isip ng anumang mabuti, gaano man kasama ang sitwasyon.
·         Humingi ng tulong sa sinumang dumaan na sa katulad na krisis (kamag-anak, kaibigan, kapitbahay), o humingi ng payo sa mga espesyalistang gaya ng sikolohista, abogado, o tagapangalaga ng kalusugan.  Tumawag sa isang crisis hotline o minister.  Makatutulong silang humanang ng tutulong sa inyo.
·         Matutong magsama-sama bilang isang pamilya.  Sa pamamagitan ng pagsasama-sama.Maliligtasan ng pamilya ang kahit pinakamahirap na problema.
·         Tandaang ang anumang pagbabago sa buhay -- pagsilang ng isang anak, bagong trabaho o pagkataas sa tungkulin, kasal, kamatayan o pagreretiro--ay laging stressful.
·         Tandaang ang mga stress, problema at paghihirap ay bahagi ng buhay.
·         Harapin ang mga problema nang dahan-dahan Gumawa ng listahan ng mga bagay na dapat gawin at isa-isang asikasuhin ito.
·         Huwag alalahanin  ang mga nakalipas o ang mga bagay na wala kayong kapangyarihangkontrolin.
·         Manood ng isang nakakatawang sine, tumawag sa isang kaibigan, makipagkuwentuhan nang masasayang kuwento, piliting tumawa at/o umiyak.
·         Mag-ehersisyo para mawala ang tensiyon at matulungan kayong magrelaks.  Gawin ito nang magkakasama bilang isang pamilya.
Komunikasyon
              Gaano man kahirap, importante sa isang pamilyang magkaroon ng komunikasyon. Kailangan nating kausapin, pakinggan, at unawain ang isa’t isa.  Kailangang may makahati tayo sa ating mga kaisipan at damdamin.  Sa ganitong paraan tayo natututong magtiwala at umasa sa isa’t isa.
              Araw-araw, nagbibigay ng pagkakataon ang buhay para gawin ito.  Narito ang isang halimbawa:  
·         Magbigay ng pagkakataon para mag-usap -- sa paglalakad, pagkain, o habang naghuhugas ng pinggan.  Pag-usapan ang mga pang-araw-araw, gayundin ang mahahalagang bagay. 
·         Sabihin ang masasakit at nakahihiyang karanasan, gayundin ang mabubuti.
·         Maging isang mabuting tagapakinig -- sa katandaan man o kabataan.
·         Kung mainisin o masyadong tahimik ang isang  miyembro ng pamilya, tanungin kung ano ang problema, ngunit maging sensitibo rin kung nangangailangan ito ng pribasya.
·         Maging bukas-loob na magsabi kung ano ang nakaaabala sa inyong isip o kung ano angikinagagalit ninyo; huwag hayaang lumala ito.
·         Maging ispesipiko.   Sabihing isa-isa ang problema.  Igalang ang ideya ng bawat isa kahit hindi ninyo ito sinasang-ayunan.
·         Alisin ang karahasan sa pamilya.   Magtalo nang walang paluan Disiplinang walang sampalan.
Oras  
            Dahil masyadong marami tayong pinagkakaabalahan sa buhay, wala tayong panahong makita o makasama ang isa’t isa.  Mahalagang maglaan ng panahon para magkasama-sama upang makita ang isa’t isa at maging matibay ang bigkis ng pamilya.  Maraming paraan para magkasama-sama. Nakalista sa ibaba ang ilan:
·         Basahan ng libro o makipagkuwentuhang kasama ang mga bata bago matulog.
·         Patayin ang TV at maglarong magkakasama. 
·         Gugulin ang mga holiday at espesyal na okasyon sa piling ng buong pamilya.  Magplano ng mga lingguhang gawaing kalulugdan ng buong pamilya.
·         Paminsan-minsan, isama sa trabaho ang inyong mga anak para makita nila kung ano ang ginagawa ninyo.
·         Magtrabaho bilang isang pamilya sa isang proyektong pang-eskwela o pangkomunidad, gaya ng pamumulot ng basura.
·         Kahit isang beses isang araw, kumaing magkakasalo bilang isang pamilya.
·         Dumalo sa miting ng mga magulang, sa isang pangyayaring pang-isport o pang-eskuwela, at sa mga seremonyang kumikilala ng tagumpay ng isang miyembro ng pamilya.
·         Gawing “malaki” o “importante” ang kaarawan ng bawat isa.
·         Makipag-ayos sa isang mag-aalaga ng bata para makapag-date kayo ng inyong kabiyak nang kayo lamang dalawa.

Pagpapahalaga at Paniniwala
              Nagsisimba man sila o hindi, may pinananaligang dakilang kabutihan o kapangyarihan sa kanilang buhay ang matatatag na pamilya.  Ang pananalig na iyon ang nabibigay sa kanila ng lakas atlayunin.  Iniimpluwensiyahan nito ang kanilang pang-araw-araw na kaisipan at kilos.  Ang sumusunod ang ilan sa mga paraan kung paano maipapatupad ng pamilya ang kanilang paniniwala:  
·         Tratuhin ang pamilya kung paano mo tatratuhin ang sarili.
·         Imbitahan ang isang kaibigang makipaghapunan sa inyong pamilya. 
·         Ipagdiwang ang religious holidays sa piling ng pamilya.
·         Makipagpangkat sa inyong pamilya sa pangangalaga ng kalikasan: bawasan ang mga ginagamit; muli’t muling gamitin ang ilang bagay, mag-recycle ng papel, bote, plastik at iba pang karaniwang itinatapon.
·         Gumamit ng kuwento sa pagtuturo sa mga anak ng pagpapahalagang gaya ng katapatan,paumanhin at pananagutan.
·         Magboluntir ng oras o pera sa isang kapaki-pakinabang na layuning pinaniniwalaan ninyo.
·         Magkakasamang magsimba o magpasalamat, sa anumang paraan ng pagsampalatayangginagawa ng inyong pamilya.
·         Maging modelo ng inyong pamilya sa pagsasabuhay ng inyong mga paniniwala
Reference: